Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kakasuhan nila ang foreign recruiter at amo ng Filipina overseas worker na hinalay sa Saudi Arabia.

Ayon kay Bello, inatasan niya ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh na makipag-ugnayan sa Saudi authorities para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani, may-ari ng Home Comfort Recruitment Office/Home Comfort Manpower Services, at kay Abdulaziz Ahlas, na amo ng OFW na itinago sa pangalang "Michelle."

Sinasabing pinagsamantalahan si Michelle ng may-ari ng recruitment agency at minolestiya ng isa sa kaniyang mga amo bago siya naiuwi sa Pilipinas.

Inatasan din ni Bello ang POLO na suspindihin ang accreditation ng Home Comfort bilang foreign recruitment agency.

Nais ni Bello na bumuo rin ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng administrative case laban sa local firm na SAMA International Recruitment Agency at suspindihin ito para hindi na umano makapambiktima ng mga OFW.

Ayon sa DOLE, hindi umano pinansin ng SAMA ang mga reklamo at hinaing ni Michelle sa Saudi Arabia.

Binigyan si Michelle ng legal na tulong ng Public Attorney’s Office (PAO) nang dumating siya sa bansa, ayon sa DOLE.

Nagsagawa umano ang PAO ng forensic tests kay Michelle at lumitaw na pinagsamantalahan at sinaktan ang OFW.—FRJ, GMA News