Tila tsunami na inilarawan ng isang Pinay OFW ang epekto ng shockwave na nilikha ng napakalakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon, na naging dahilan para sumambulat ang mga nabasag na salamin sa kanilang bahay at malagay sa panganib ang kaniyang buhay at dalawang bata na kanilang inaalagaan.
"Kung tutuusin po parang napakalapit lang po namin, nasa pinaka-main po kami ng Beirut, Lebanon," sabi ni Sulit Salvador sa panayam sa kaniya ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkoles.
Pinapakain daw niya ang kaniyang mga inaalagaang bata nang mangyari ang insidente dakong alas-siyete ng gabi ng Martes.
"Pinapakain ko po 'yung dalawang alaga ko. Nu'ng sinusubuan ko 'yung dalawang alaga ko tatayo sana ako't sisilipin ko kasi may narinig akong biglang pagsabog, bigla na lang nagtalsikan 'yung mga bubog," kuwento niya.
LIVE sa dzBB: Filipina Sulit Salvador, OFW sa Beirut, Lebanon na nasugatan sa nangyaring pagsabog.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 5, 2020
: @dzbb 594 kHz
????: #DobolBSaNewsTV
????: https://t.co/Q2O7p05pWH pic.twitter.com/QxJDD0bote
"'Yung sliding door namin na salamin pabagsak sa amin ng alaga ko kaya sinalo kong gano'n kasi tatamaan 'yung alaga ko. Kaya sa akin lahat. 'Yung kamay ko nabiyak tapos tinamaan ng pintuan. Kung hindi ko (naitulak) 'yung dalawang alaga ko baka patay," patuloy ni Salvador.
"Parang tsunami siya... parang tsunaming bigla na lang," paglalarawan ni Salvador.
Wala raw naramdaman na sakit si Salvador pero duguan na umano ang kaniyang katawan.
"Hindi pa ako nakaramdam ng sakit o ano pa man noong oras na 'yun pero 'yung katawan ko duguan na ako. Dugong dugo ako, tumutulo ang dugo ko," ayon pa sa kaniya.
Maituturing daw na himala na nabuhay pa siya matapos ang pagsabog.
"Talagang miracle kasi po dapat hindi ko na muna aasikasuhin 'yung alaga ko na magpakain, pupunta sana ako doon sa sinampayan namin. Kung doon sa sinampayan hindi na ako mabubuhay kasi durog 'yung side na 'yun eh, walang natira doon eh."
Ayon kay Salvador, mahigit dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa naturang bansa. May tumingin naman na manggagamot para sa kaniyang mga kamay pero nananakit daw ang kaniyang likod.
Lumikas daw sila ng kaniyang amo noong Martes ng gabi dahil nawasak ang bahay nila. Sa ngayon, nananatili sa may gawing bundok sina Salvador at kaniyang mga amo.
Nag-alala naman si Salvador para sa kasamahan niya ring Pinay.
Ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs, dalawang Pilipino ang namatay at walo ang sugatan dahil sa pagsabog sa capital ng Lebanon.
Mga household service workers daw ang karamihan sa kanila. Samantala, 12 Pinoy na karamiha'y mga seafarer ang napaulat na nawawala.--FRJ, GMA News