Timbog ang lima katao dahil sa umano'y ilegal na drag racing sa Roxas Boulevard sa Maynila. Ang isa sa mga karerista, nakabundol ng pulis habang sinusubukang tumakas.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang tila regular na takbo ng mga sasakyan sa Roxas Boulevard nitong Martes ng madaling araw.

Gayunman, kapansin-pansin ang ilang motor na mabibilis ang takbo.

Nagsumbong ang isang concerned citizen sa pulisya na may nagaganap daw na drag racing.

Pinuntahan ito ng awtoridad at agad nagpulasan ang mga kalahok at nanonood ng karera.

Sinubukang pigilan ng isang patrolman ng Manila Police District ang mga kasali sa drag racing pero binundol umano siya ng isa sa mga nagtangkang tumakas.

Nauwi ito sa pagkabali ng kanang binti at sugat sa ulo ng pulis.

"Kasi during that time, marami pa pong mga tao po noon. Marami rin pong naglalakad. Bigla po siyang binangga ng suspek, inarangkadahan po ng silinyador, at doon po natamaan 'yung ating pulis," sabi ni Police Lieutenant Carl Lloyd Mupas, OIC ng Remedios Police Community Precinct ng MPD 5.

Nadakip ang nakabangga sa pulis at ang apat na iba pa na tumataya o pumupusta sa karera umano.

Nakuha sa mga nadakip ang ilang mga modified na motorsiklo.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na ginagawang race track ng mga sangkot ang bahagi ng Roxas Boulevard - Pedro Gil hanggang sa Remedios Street.

Ayon sa isa sa mga naaresto, umaabot ng P50,000 hanggang P100,000 ang kanilang mga taya.

Base sa ulat, nag-uumpisa ang ilegal na drag racing ng mga motorista tuwing araw ng Biyernes, Sabado, Linggo, at Lunes.

Nasa Ermita Police Station na ang mga suspek na mahaharap sa reklamong alarm and scandal at disobedience to a person of authority.

Nahaharap din sa reklamong frustrated murder ang motoristang nakabundol sa pulis.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang sugatang pulis. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News