Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa bahagi ng Kalayaan Avenue sa Barangay Bel-Air, Makati City kagabi.

Ang biktima, pinatay na, ninakawan pa raw ng mga suspek.

Ayon sa pulisya, kita pa sa CCTV na naglalakad mag-isa ang biktima bitbit ang kanyag bag pasado ala diyes kagabi.

Pero, isang riding in tandem na pala ang nakabuntot sa kanya.

Hindi na nahagip ang mga sumunod na eksena, ngunit umalingawngaw daw sa lugar ang sunod-sunod na putok ng baril.

Agad na tumawag ng tulong sa mga awtoridad ang gwardiya ng katapat na subdivision.

Naisugo pa sa ospital pero hindi na rin siya umabot ng buhay.

Apat na bala ang tumama sa iba't ibang bahagi ng katawan ng biktima.

Hindi pa matukoy ang kanyang pagkakalinlan dahil tinangay ng mga suspek ang kanyang bag.

Patuloy pa ang backtracking ng mga pulis para mahuli ang mga suspek.

Iniimbestigahan din sa ngayon kung ano ang totoong motibo sa likod ng pamamaril. — BAP, GMA Integrated News