Timbog ang isang lalaking senior citizen matapos niyang subukang ipalit umano ang mga pekeng dolyar sa isang foreign exchange company sa Makati City.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na nakumpirma ng officer ng kumpanya na peke ang dalang pera ng lalaki.
Nakuha sa suspek ang makapal na bundle ng pekeng dolyar na umaabot sa halagang P27 milyon.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang isang metal box na naglalaman ng iba pang pekeng pera.
Napag-alaman pa ng mga awtoridad na bago nito, tinangka ng lalaki na ipalit ang pekeng pera sa isang bangko ngunit tinanggihan siya sa laki ng halaga nito.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang matukoy ang lawak ng counterfeit operation ng suspek.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News