Nahuli-cam ang habulan, gitgitan at salpukan ng dalawang kotse matapos dalawang beses na tumakas umano ang isang 20-anyos na lalaki na nakabangga sa Maynila. Ang suspek, nadakip nang matiyempuhan ng pulis na kaniyang dinaanan.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang habulan sa Brgy. 457 ng isang gray na sedan at isang pulang kotse na minamaneho ng 20-anyos na si “John.”
Sa isang kuha ng CCTV, makikita ang pagharurot ng dalawang sasakyan kaya napalingon pa ang ilang tricycle driver sa kanilang direksyon.
Pagdating sa isang kalsada, nagbanggaan ang mga sasakyan, at bumaligtad ang gray na sedan.
Pero hindi nagpatinag ang driver ng gray na sedan at hinabol pa rin ang pulang kotse, habang sumuot naman ang pulang kotse sa makitid na eskinita.
Tiyempong may pulis na nakabantay noon sa dinaanang restaurant ng pulang kotse, kaya naharang at nadakip si “John.”
“Napansin ko wasak ang bumper niya so baka nakadisgrasya. Noong tumapat sa akin, nakita ko may humahabol, hinabol ko na rin. Aatrasan pa sana niya iyong humahabol. Sa mga humahabol, may isa pa palang pulis doon, natutukan siya ng baril,” sabi ni Police Major Pidencio Saballo Jr., umarestong pulis.
Nagkaharap ang mga sakay ng mga sasakyansa estasyon ng pulisya.
Ayon sa may-ari ng gray na kotse, hindi lang sila isang beses binangga dahil sa unang insidente, tinangka pang tumakas ni “John,” at sinagasaan pa umano siya.
“Sabi niya ‘Kuya pasensiya na, may diperensiya ang sasakyan ko.’ Pilit siyang umaatras. Sabi ko ‘Huwag mong gagalawin. Tatawag tayo ng pulis.’ Sinagasaan niya ako. Napatuntong ako sa hood. Pagtuntong ko sa hood, nakita ko ‘yung anak ko, nasagasaan din sa gilid niya,” ayon sa may-ari ng gray na kotse.
Ang nakunan sa CCTV ay ang paghabol ng anak ng biktima sa pulang kotse.
Napag-alamang walang plaka ang sasakyan at citation ticket lang ang hawak ni “John,” na nangangahulugang nakumpiska na ang kaniyang lisensiya dahil sa traffic violation at hindi pa niya ito natutubos.
Sinabi naman ng suspek na unang beses pa lamang niyang nakabangga.
“Nagulat and naguluhan so I do not know what to do. I was scared sa situation na iyon ang gusto ko lang makaalis na pero mali talaga what I did,” sabi ni “John.”
Hawak na ang suspek ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU).—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News