Pinatunayan ng isang business owner na kung gusto, may paraan dahil wala siyang background sa baking at tinayaga niya lang daw manood ng tutorials online. Kaya naman ang kanyang sideline na pagbebenta ng cookies, ngayon ay kumikita na ng nasa P30,000 kada buwan.
Kung sino ang negosyanteng ito, kilalanin!
Sa programang “Pera Paraan”, ibinahagi ng 28-anyos freelance graphic designer na si Mae Jandayan kung paano nagsimula ang sarili niyang negosyo mula sa wala dahil self-taught baker at entrepreneur raw siya.
“Hindi po talaga ako nagbe-bake, hindi po ako marunong magluto. Tapos nakita ko lang sa Facebook may nagde-decorate ng cookies tapos sabi ko lang parang kaya ko ito kasi nga I’m into arts po. ‘Yun nga lang in order for me to decorate the cookies, kailangan kong mag-bake ng mismong canvass which is ‘yung cookie,” ani Mae.
Noong June 2020 nagbukas ang negosyo ni Mae na Cookie Palette PH.
“Eventually, ginive-up ko po ang office job ko that time para makapag-focus sa dalawang jobs na related sa art kasi kumbaga nandu’n na ‘yung moment na ‘yun na yung work na gusto kong gawin,” aniya pa.
Naibebenta ni Mae ng P60 pataas ang isang piraso ng decorated sugar cookie at depende raw kung gaano kakumplikado ang design.
Mayroon din siyang minimum na 30 pirasong cookies sa bawat order para sulit naman ang effort ni Mae sa pag-bake.
Mula noong 2020 isa na ang cookie business na naging hanapbuhay ni Mae kasabay ng virtual assignment at pagtanggap ng commissioned artworks.
Ang sideline na nagsimula sa wala, kumikita na ngayon ng P20,000 – P30,000 kada buwan? Tunghayan ang buhay ni Mae at kanyang mga pinagdaanan sa video ng “Pera Paraan.”—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News