Arestado sa entrapment operation ng mga awtoridad ang isang "blocktimer" na radio commentator sa Talisay City, Cebu na nagtangka umanong kikilan ang alkalde ng lungsod ng P4 milyon.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bistad nitong Biyernes, sinabing humingi ng tulong sa pulisya si Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas, Jr., upang madakip ang suspek na si Roger Languieto Cimafranca, 44-anyos, na kandidato rin sa pagka-alkalde sa lungsod sa Eleksyon 2025.
Inaresto si Cimafranca, kasama ang isa pa, sa loob ng isang mall sa Barangay Lawaan 2 sa Talisay City noong Huwebes ng hapon.
Sa reklamo ni Gullas, nanghihingi umano sa kaniya si Cimafranca noong una ng P500,000 kapalit ng pag-atras niya sa pagtakbong alkalde. Hanggang sa tumaas na umano ang hiningi nito sa P1.5 million, naging P2 million, at umabot sa P4 million.
Nilinaw ni Gullas na hindi mahalaga sa kaniya kung sino man ang makaharap niya sa halalan pero hindi umano tama ang panghihingi ng pera kaya siya nagsampa ng reklamo.
Itinanggi naman ni Cimafranca ang alegasyon laban sa kaniya na tinawag niyang "politically motivated" dahil sa pagtakbo niyang alkalde sa lungsod.
Mahaharap si Cimafranca at kaniyang kasama sa reklamong robbery and extortion. --FRJ, GMA Integrated News