Hindi nakaligtas maging ang young actress na si Elijah Alejo na mabiktima ng krimen matapos umano siyang maholdap habang papasok sa campus.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ibinahagi ang Tiktok video ni Elijah kung saan ikinuwento niya ang nakatatakot na karanasan.
Ayon sa aktres na first year college student, maaga siyang pumasok dahil mayroon silang tree planting activity dakong 5:30 am.
Nag-book umano siya mototaxi at nagpahatid sa paaralan. Pero sa halip na magpahatid hanggang sa loob, napilitan umano si Elijah na bumaba na lang sa labas dahil nagpapadagdag pa ng bayad ang rider.
Ngunit habang naglalakad na papunta sa gate ng eskuwelahan, may naramdam daw siyang matulis na bagay na itinutok sa kaniyang tagiliran at binulungan siya ng lalaki na ibigay ang kaniyang wallet.
"Pagkabayad ko, umalis na siya and ako naglakad na ako papunta doon sa gate. Biglang may tumutok sa tagiliran ko and it's something matulis. Sinabihan ako ibigay ko yung wallet ko," kuwento ng aktres na wala nang nagawa kundi ang ibinigay ang kaniyang wallet.
"That time nag-freeze yung utak ko.Lahat ng alam kong self-defense, lahat, as in nawala na parang bula. As in natakot ako. Binigay ko na lang yung wallet ko," saad niya sa post.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat si Elijah na walang ibang masama na ginawa sa kaniya ang holdaper.
Wala rin umanong CCTV camera sa lugar kung saan siya hinoldap.
Nagpaalala ang dalaga sa publiko na naglalakad o nagko-commute na katulad niya na laging maging alerto at mag-ingat.-- FRJ, GMA Integrated News