Isang misteryosong nilalang ang pagala-gala umano tuwing gabi sa bakuran nina Judith Distal. Ang kakaibang nilalang, isang itim na hayop na may naglalakihang mata. Kung ano ito, alamin.

Sa ulat ng GMA News Public Affairs Exclusives, sinabing nagkabit ng CCTV si Judith matapos nilang mamatayan ng mga alagang pabo.

“Kaya kami nagkabit ng CCTV para malaman naming ano’ng nakapatay sa turkey namin,” ani Judith.

Ilang gabi matapos nito, bumalik ang hinihinala nilang salarin.

May malalaking mata, itim na katawan, mahabang buntot at kayang umakyat sa mataas na lugar ang nakuhanan ng CCTV.

Minsan na rin daw nakita ni Judith nang personal ang nilalang.

“I was roaming around the property sa gabi may flashlight, tapos parang may malalaking matang nakatingin sa akin na dalawang mata,” saad niya.

Samantala, itim na hayop din ang umano’y gumagambala sa bahay nina Thricia tuwing gabi.

Kuwento niya, nag-iiwan din daw ito ng bakas katulad ng pagngatngat ng sa kanilang saging.

Ayon pa pa sa ginang, minsan na rin niyang itong nakaharap.

“Para siyang pusa pero kapag nilapitan mo siya, ‘yung nguso niya matulis. Tapos’yung buntot niya makapal parang buntot din ng pusa tapos malaking daga na pinaghalo,” ani Thricia.

Para malaman kung ano nga ang bumisita kina Thricia at Judith, nagkabit ng mga CCTV sa kanilang bahay ang programang “Born to Be Wild.”

Maya-maya pa, nakunan sa video ang mga matang tila nakamasid.

Hanggang isang daga ang nanginain ng saging.

Pero sa patuloy nilang pag-iimbestiga, nakita muli ni Thricia ang itim na hayop at nakumpirma na isa pala itong civet cat o musang.

Samantala, apat na araw matapos ikabit ang CCTV nina Judith, napag-alaman nilang ang nilalang na may malalaking mata sa kanilang video, ay isa ring musang.

“Nagkabit kami ng ilaw after that incident, tapos hindi na naulit bumalik si musang,” anang ng ginang. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News