Kinumpiska ng mga awtoridad ang nasa P3.5 milyong halaga ng pinekeng sabong pangpaligo at panlaba na may delikadong kemikal sa Caloocan City at Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division sa mga target area, kung saan tumambad ang sangkatutak na assorted na pinekeng sabong pampaligo at panlaba.
Doon din mismo ginagawa ang mga pinekeng produkto, at tumambad pa ang mga bagong print na logo na idinidikit sa mga produkto.
Nakitang nakaimbak sa drum ang mga kemikal na urban household hazardous substance o delikadong sangkap na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng sabon, ayon sa Food and Drug Administration.
"Ang ginagamit nila na brand ay 'yung leading brands, nilalagyan ng stickers. Pwede kang bumili roon sa area nila, nagdi-distribute rin sila sa mga pwesto at the same time 'yung maraming benta nila ay through online," sabi ni Glenn Ricarte, hepe ng NBI-IPRD.
Agad na sisirain ang mga pekeng produkto kapag ipinag-utos na ito ng korte.
"Dilapitated na ang mga establishment na ito at poor 'yung sanitation. Hindi talaga maga-guarantee 'yung quality sa kung nakakasunod ng standards na binibigay ng FDA," sabi pa ni Ricarte.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga inabutang tauhan, na sasampahan ng kasong paglabag sa FDA Act at Intellectual Property Rights Law. —Jamil Santos/VBL, GMA News