Isang matamis na sorpresa ang natanggap ng isang Bar examinee nang mag-propose sa kaniya ang kaniyang nobyo matapos ang kaniyang nakakapagod na huling araw ng pagsusulit.

Sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nakatanggap ng buoquet of flowers si Malaica Maloloy-on mula sa nobyong si Dem Salazar matapos ang maghapon niyang Bar exams.

Pero hindi lang natapos sa buoquet of flowers ang sorpresa, dahil sinalubong pa si Malaica ng tila garden ng kandila at swing lights sa kanilang lalakaran papunta sa malaking puso sa gitna, sa kanilang hotel room.

Matapos nito, tinanong na ng "Will you marry me?" ni Dem si Malaica.

Para kay Malaica, isa itong tanong na pinakamadaling sagutin, pero isa ring tanong na hindi niya inasahan noong araw na iyon.

"Ang gusto ko lang talaga is kumain. Sobrang gutom after nu'ng exam day. It was a very long and tiring day," sabi ni Malaica.

"Gusto kong gawin sa kaniyang more special last day ng Bar exam niya kaya 'yun ang naisip kong day na mag-propose sa kaniya," sabi ni Dem.

Isang matamis na Oo naman ang isinagot ni Malaica.

"Wala rin naman akong reasons to say no. Kumbaga sa six years namin together, na-discover na namin 'yung weakness and strengths ng isa't isa. And na-accept naman namin," sabi ni Malaica.

"Very supportive kasi same law school, Bar review, hanggang sa pag-take ng Bar, hanggang sa pag-sign ko ng roll of attorneys, andoon siya lahat," sabi ni Dem.

Para kay Malaica, hindi naging mahirap ang pag-aaral ng abogasya habang isinasabay ang lovelife.

"Hindi siya naging mahirap kasi nagkaroon din ako ng katuwang," anang dalaga.

"Ma-balance mo lang at mai-inspire ka sa partner mo na isang law student," sabi ni Dem.

Pero tulad ng mga abogado, nagkakaroon din ba ng mga pagtatalo o "oral arguments" sina Malaica at Dem?

"Communication at understanding lang naman talaga 'yung key na mag-last 'yung relationship," sabi ni Dem.

"We made it sure that time na pinakikinggan namin 'yung side ng isa't isa. So walang lower court," sabi ni Malaica.

"Walang lower court at higher court. Equal kami," sabi ni Dem.  — VBL, GMA News