Malaking bagay daw para sa mga bumisita sa dolomite beach sa Manila Bay ang makapamasyal dahil matagal silang nakulong umano sa kanilang mga bahay simula ng magkapandemya.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita na pami-pamilya at magkakaibigan ang mga taong bumibisita.
Pinapayagang makapasok ang mga turista mula 5:30 pa lamang ng umaga at karamihan sa kanila ay may dalang mga sapin o panlatag, habang ang iba ay busy sa pag-seselfie o di kaya naman sa paglalaro.
Sa huling tala ng mga nagbabantay na awtoridad, nasa 2,453 ang bilang ng mga tao sa dolomite beach mula pa kaninang madaling araw.
Nauna nang siniguro ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng mga kawani ng local government unit na patuloy ang pagbabantay dito nang mapanatiling nasusunod ang mga safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang physical distancing.
Matapos dumagsa ang mga tao rito noong Sabado— ang unang araw ng pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3— ay sinabi ng DENR sa GMA News na magkakaroon ng sistema rito kung saan hindi patatagalin ang mga tao para hindi maipon at marami pa ang makapasok, ngunit tila lumalabas na walang ganoong sistema ang pinaiiral sa lugar.
Sa dami ng tao at dahil kakaunti lamang yung mga nagbabantay ay hindi na nasusunod ang physical distancing, ayon sa ulat.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang paalala ng Department of Health na mag-ingat dahil patuloy na kumakalat ang virus. — Sherylin Untalan/VBL, GMA News