Viral sa social media ang nangyari sa isang turista sa Sri Lanka matapos mahulog mula sa tren nang lumiyad siya sa pinto para mag-selfie at tumama sa nadaanang mga halaman. Ang isang babae naman na kapareho ang ginawa habang sakay ng tren sa Thailand, tumama ang ulo sa nadaanang poste.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang babaeng sakay ng tren sa Colombo, Sri Lanka na pumuwesto sa pintuan ng umaandar na tren at saka lumiyad habang nakakapit ang mga kamay sa hawakan.

Ngunit maya-maya lang, hinampas na siya sa ulo ng mga halaman na nadaanan ng tren na dahilan para siya makabitaw at nahulog.

Sa kabutihang palad, sa damuhan bumagsak ang babae kaya hindi naging matindi ang kaniyang pagbagsak kaya nakaligtas siya.

Pero isang buwan bago mangyari ang sakuna, isang Iranian tourist din ang gumawa ng kaparehong serfie.

Ngunit hindi sa mga halaman tumama ang kaniyang ulo, kung hindi sa isang poste na nadaanan ng tren.

Ayon sa mga awtoridad, malubha ang naging kalagayan ng turista.

Dahil sa insidente, nagpaalala ang mga awtoridad doon sa mga sumasakay sa tren na mag-ingat at sundin ang mga patakaran.

Marami umano ang tumatangkilik sa naturang scenic train ride dahil may view ng Indian Ocean ang biyahe.

Noong nakaraang Agosto, isa ring babae na nag-selfie at inilabas ang katawan sa pinto ng umaandar na tren sa Thailand ang tumama ang ulo sa poste.

Nawalan siya ng malay at nahulog din sa riles mula sa tren.

Masuwerte rin ang babae dahil wala siyang malalang pinsala na tinamo. -- FRJ, GMA Integrated News