Sa social media post, nagbigay ng update ang Queen of All Media na si Kris Aquino tungkol sa lagay ng kaniyang kalusugan matapos siyang maospital.
Sa Instagram nitong Linggo, ibinahagi ni Kris na anim na autoimmune diseases na ang kaniyang kinakaharap, kasama ang rheumatoid arthritis.
“Kahit gaano katapang ako, there are moments especially 'pag nagsabay-sabay my unexplainable allergies, I ask myself, ‘Kaya ko pa ba?’” ayon kay Kris.
Sa kaniyang pagkaka-ospital, sinabi ni Kris na bumaba ang kaniyang white blood cells, at nakaranas ng bad allergic reaction sa isang antibiotic.
“What did that mean [is] wala na akong panlaban sa kahit anong viral or bacterial infection,” saad niya. “I’m now in isolation.”
“So many rules for family and friends na gusto akong dalawin. Yes, it’s lonely,” dagdag niya.
Sa kabila ng mga pinagdadaanan, sinabi ni Kris na ayaw niyang sumuko.
“I refuse to disappoint all those praying for me,” ayon kay Kris.
“Ayokong maisip nyo na binalewala ko yung time and effort niyo because your compassion has deeply touched my heart,” patuloy niya.
Pinasalamatan ni Kris ang team of doctors sa Makati Medical Center na nag-asikaso sa kaniya, at ang kaniyang special someone na si Dr. Mike Padlan.
"Pinangalanan ko na po siya," aniy Kris.
Tinapos ni Kris ang post na may hashtags na #BawalSumuko at #TuloyAngLaban.
Bumalik ng bansa nitong nakaraang September si Kris matapos manatili ng dalawang taon sa Amerika para ipagamot ang kaniyang multiple autoimmune conditions. —FRJ, GMA Integrated News