Ibinahagi ni Maxene Magalona kung papaano niya hinarap at nalagpasan ang pagsubok sa kaniyang buhay nang mauwi sa paghihiwalay ang kasal nila ng dating mister na si Rob Mananquil.
Sa panayam sa kaniya sa "Updated with Nelson Canlas" podcast, ibinahagi ni Maxene ang sakit nang gumuho ang kaniyang buhay may asawa, at kung paano niya ito hinarap.
"[B]y praying. Praying for my ex-husband, praying for me, praying for the both of us so that we can let go of what was not meant for us," saad ni Maxene.
Ikinuwento ni Maxene na isa sa kaniyang mga espirituwal na guro sa Bali ang nagsabi na ang kaniyang attachment ang isa sa mga pangunahing sanhi ng kaniyang pagdurusa bilang tao.
Idinagdag niya na kung siya ang tatanungin kung ano ang gusto niyang mangyari, sinabi niya na gusto niyang mabuhay pa ang kaniyang yumaong ama na si Francis Magalona, ngunit magpapahirap lamang sa kaniya ang pagkapit niya sa ideyang ito.
"So, when my marriage started to crumble, when it started to talagang break apart, I had to slowly, slowly accept it," sabi niya.
Isa sa mga librong kaniyang binasa ang "The Power of Now" ni Eckhart Tolle, na nagbigay din sa kaniya ng ideya na piliin ang kasalukuyan at tanggapin ang anumang nangyayari sa ngayon na tila pinili niya ito, sa halip na labanan.
"Instead of resisting that, you have to turn to God and accept, this is what's happening right now, God, help me through it. Kumbaga, tanggapin na lang natin, 'wag na tayong mag-complain, and then let's accept that this is what God needs me to go through, so that I can be the person that he designed me to be," sabi niya, na idinagdag na dapat nang hayaan ng isang tao ang anumang bagay wala nang pakinabang sa kaniya.
Sinabi niya ring maaaring maniwala ang isang tao na ang sakit na kaniyang nararamdaman ang dahilan ng kaniyang pagkapit, ngunit ang pagtanggap [ sa katotohanan] ang siyang tunay na [magbibigay ng] kapayapaan.
"True peace comes in accepting what's happening in the present moment. And forgiving what needs to be forgiven so that you can move on," pagbabahagi niya.
Tinanong din ni Maxene kung anong sakit ang handang pagdaanan ng mga dumadaan sa separation o annulment.
"It will always be painful, going through a breakup and staying in a toxic relationship. So, what pain are you willing to go through? Both of it is painful. It's painful to go through the breakup and it's also painful to stay where you're not meant to stay. So, which one do you choose? I chose the first one. I chose the pain of going through the breakup," sabi niya.
Dagdag niya, mas masakit ang piliing manatili dahil marami ang nasasayang.
"Choosing to stay, mas masakit 'yun kasi sinasayang mo 'yung oras mo, sinasayang mo 'yung energy mo, sinasayang mo 'yung purpose na binigay sa iyo ni God sa mundong ito. So, choose what pain are you willing to go through," paliwanag niya.
Ikinasal sina Maxene at Rob noong 2018. Una sa isang pribadong kasal sa simbahan na sinundan ng isang seremonya sa Boracay.
Naging usap-usapan ang kanilang breakup noong 2022 matapos mapansin ng netizens na hindi na nag-follow ang dalawa at inalis na ni Maxene ang apelyido ni Rob sa kaniyang Instagram.
Noong Oktubre 2022, nag-post si Maxene ng kaniyang sarili sa isang solo date night, na inilarawan niyang, "Perks of being single and childless."
Matapos kumpirmahing siya ay single, ibinahagi ni Maxene sa Instagram ang mga aral na natutunan niya mula sa kaniyang kasal, gaya ng "Give yourself to God before you give yourself away."
Sa parehong buwan, umalis siya mula sa kaniyang tahanan at lumipat sa kaniyang sariling apartment.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News