Sumailalim na sa physical therapy ang Kapuso broadcast journalist na si Arnold Clavio matapos siyang makaranas ng hemorrhagic stroke.
Sa Instagram Reel, ibinahagi ni Arnold ang clips sa ginagawa niyang rehabilitasyon kasama ang ilang therapist.
BASAHIN: Arnold Clavio ‘out of danger’ na matapos makaranas ng hemorrhagic stroke
Ayon kay Arnold, itinuro sa kaniya ang ilang exercises para sa kaniyang braso, binti, at paa para makabalik siya sa dati niyang kilos.
“Dahil pagdurugo ng left side ng aking utak, na nagdulot ng hemorrhagic stroke, nagresulta ito ng pamamanhid ng kaliwang bahagi ng aking katawan. Natigil kasi ang normal na pagdaloy ng dugo at ang nadale na bahagi ng utak ay ang ‘thalamus’ area,” paliwanag ng mamamahayag na kilala rin bilang si "Igan."
Ayon kay Arnold, isa hanggang isa't kalahating buwan tatagal ang kaniyang physical rehab.
“Sa mga nakaranas ng stroke, maaari ninyong sundan ang mga ehersisyo na ipinagawa sa akin para muling bumalik ang sigla ng inyong pangagatawan,” pahayag niya.
“Sama-sama nating malalagpasan ang pagsubok na ito sa tulong ng inyong mga panalangin at sa makapangyarihan na pangalan ni Hesus. Amen,” dagdag niya.
Nitong nakaraang linggo nang ibahagi ni Arnold ang naranasang health scare habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan. Bigla umanong namanhid ang kaniyang kanang braso at binti.
Sandali siyang tumigil sa isang gas station para suriin ang sarili. At nang kaya pa niya magmaneho ay nagtungo na siya sa pinakamalapit na ospital. --FRJ, GMA Integrated News