Matapos ang anim na taon, nagbabalik sa music scene ang bandang Hale, at mayroon silang bagong single.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing espesyal sa grupo ang 2024. Bukod kasi na ito ang taon ng opisyal na pagbabalik nila sa music scene, ipagdiriwang din nila ang ika-20 taon nila sa industry.

Ang bago nilang kanta na "Klaro," ay mula raw sa inspirasyon nila sa kanilang fans, asawa, o special someone.

Ayon sa grupo, nais nilang maka-collaborate si Julie Anne San Jose, na isang amazing musician, para kay Roll Martinez na guitarist ng Hale.

Kabilang sa mga hit song ng Hale ang "The Day You Said Goodnight", "Kahit Pa", "Kung Wala Ka," "Broken Sonnet", at "Blue Sky."-- FRJ, GMA Integrated News