Ngayon na balik-Pilipinas na si Tom Rodriguez, handa na kaya si Carla Abellana kung sakaling muli silang magkita ng kaniyang dating asawa?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, aminado si Carla na hindi niya alam na nasa Pilipinas na muli si Tom, makaraan na magtungo ito sa Amerika noong maghiwalay sila may dalawang taon na ang nakararaan.

Gayunman, sinabi ng Kapuso actress na nakahanda naman siya at inaasahan na mangyayari iyon dahil pareho silang artista at Kapuso.

"I didn't even know ngayon ko lang nalaman [na nasa Pilipinas si Tom]. I don’t feel intimidated, scared, nervous. Wala namang ganoon," ayon kay Carla matapos ang contract signing niya bilang Kapuso muli.

"Of course artista siya may obligation siya. He's a Kapuso,  dadating naman talaga yung day na babalik siya sa trabaho. Hindi naman maiiwasan 'yan. I've thought about it many times, expected naman 'yan, nobody just knew when," patuloy niya.

Sabi pa ni Carla, "I think naman ok lang. Ready naman ako. Hindi naman ako yung type na ay ayoko or avoidance or what. Its inevitable ika nga."

Busy ngayon si Carla sa mga proyekto na kaniyang gagawin. Napapanood siya ngayon sa afternoon prime series na "The Stolen Life," at gagawin naman ang upcoming series na "Widow's War" kasama si Bea Alonzo. -- FRJ, GMA Integrated News