Naging very special ang Lunes sa "It's Showtime" ang maging bisita nila sa programa ang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards at ang Megastar na si Sharon Cuneta.

“Very very special ang Monday natin dahil may mga extra special tayong bisita ngayong araw. Sinong makakapagsabi na ang sarap sa pakiramdam na ini-intro natin siya dito?” sabi ni It’s Showtime host Vice Ganda.

Game din na bumati sina Alden at Sharon ng “What’s up, Madlang People!,” at maging ng “What’s up, Madlang Kapuso!”

Labis ang pasasalamat ni Alden na nakabisita siya sa studio ng It's Showtime sa unang pagkakataon.

“It’s an honor to be here. Kaya nandito rin po ako ngayon is to really show na tama na iyong ano, iyong network war o yung misunderstandings. Kasi isa lang naman ang gusto nating gawin. Mapasaya yung mga tao, yung mga nanonood sa atin,” ayon kay Alden.

Sabi naman ni Sharon, “Nice to back here.”

Kasabay nito, inimbitahan ng dalawa ang mga manonood sa kanilang upcoming film na “Family of Two (A Mother and Son Story),” na mapapanood sa 2023 Metro Manila Film Festival sa Pasko.

“It’s not just talaga a simple movie, for us it’s an event. It’s an experience na alam mo iyong touching, simple lang, na happy tears tapos napaka-heartwarming po,” ayon kay Sharon.

Nakibahagi rin sina Alden at Sharon sa “Tumpakners” segment ng show. Si Alden, sumabak sa viral “Mini-Miss U” dance challenge.

Gaganap sina Sharon at Alden na mag-ina sa naturang pelikula, kung saan nagsimula rin ang magandang samahan ng dalawa.

Katunayan, itinuturing na ni Sharon na anak si Alden, habang ipinakikita naman ni Alden ang kaniyang pagiging malambing na anak sa kaniyang bagong “mama.”

Bukod sa pagpapadala ng bulaklak, binisita pa ni Alden si Sharon sa rehearsal noon ng “Dear Heart” concert ng aktres. —FRJ, GMA Integrated News