Sa unang pagkakataon, inihayag ng "Eat Bulaga" host na si Isko Moreno na mayroon siyang naging mga kasintahan noon sa 80's youth oriented show na "That's Entertainment."

Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," sumalang si Isko sa segment na "Guilty or Not Guilty," kung saan ginawa ng dating alkalde ng Maynila ang pag-amin tungkol sa kaniyang love life noong kaniyang kabataan.

WATCH: 'That's Entertainment' stars, binalikan ang panahon nila sa sikat na 80's show

"Nagkaroon ng girlfriend na member din ng 'That's Entertainment', guilty or not guilty?," tanong ng TBATS hosts.

Sumagot ng "guilty" si Isko, na ibig sabihin ay nagkaroon siya ng nobya na taga-That's noon.

Bagaman first time ang ginawa niyang pag-amin tungkol dito, ipinaliwanag ni Isko na wala naman daw kasing nagtatanong sa kaniya dati tungkol dito.

Kadalasan daw kasi na pangkalahatan ang tanong sa kaniya tungkol sa dati niyang love life at walang partikular na nagtatanong kung may naging karelasyon siya sa "That's..."

Inihayag din ng dating alkalde na dalawang kasamahan niya sa "That's..." ang naging nobya niya pero tumanggi siyang pangalanan o magbigay ng clue tungkol sa mga ito.

"Hindi na, tahimik na buhay nila," natatawang sabi ni Yorme.

Ayon pa sa dating alkalde, 18-anyos siya nang magkaroon ng nobya, na nangyari ilang buwan matapos siyang makasama sa nasabing programa.

Inihayag din ni Isko na marami-rami rin ang naging kasintahan niya noon pero mas marami ang hindi taga-showbiz.

Paliwanag niya, komplikado ang pagkakaroon ng showbiz girlfriend dahil "you're both living in microscopic world."

Samantala, sinabi rin ni Isko na wala siyang pinagsisihan na nag-underwear siya sa isang proyekto noong kabataan niya.

Ayon sa EB host, bilang isang aktor, ginawa niya ang kaniyang trabaho. Proud daw siya na gawin ang mga bagay na hinihingi ng produksyon noong panahon na iyon. -- FRJ, GMA Integrated News