Inihayag ni Tito Boy Abunda ang kaniyang pagbati at pagiging proud sa ika-28 anibersaryo ng Bubble Gang, kung saan isa siya sa naging guest stars.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, may pasilip si Tito Boy sa ginawa niyang sketch kasama ang cast ng longest-running gag show.

“Ito ‘yung isang guesting that I look forward to. I was so excited to do it. I didn’t know what was going to happen, pero sobra ho akong excited gawin ang Bubble Gang,” saad ng King of Talk.

“I had the chance to work with Bitoy (Michael V.) na isang henyo sa larangan ng komedya,” pagpapatuloy niya.

Ikinuwento ni Tito Boy na hiniram ng Bubble Gang ang mga ginagamit na salita ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda” gaya ng “‘Nay” at “‘Tay” para sa kanilang special sketch.

“Hindi ko naisip na puwede nilang magawan ng buong sketch ang mga salitang ito, and it came out so funny. I went to the set and it’s a happy set,” saad ng talk show host.

Inilahad ni Tito Boy ang kaniyang obserbasyon sa paggawa ng komedya.

“Dito ko naunawaan na hindi mo puwedeng maplano ang lahat ng nangyayari sa komedya. A lot of the things that happened in the taping of Bubble Gang, siyempre nanggagaling po sa henyo ni Michael V., ay listening to that moment. Kaya sabi nga nila, ‘death is easy, comedy is harder.’”

Inihayag ni Tito Boy ang kaniyang pagbati sa "Bente O-chew" anniversary episodes ng Bubble Gang na mapapanood sa Nobyembre 19 at 26 sa GMA ng 6:35 pm.

“Bitoy, Paolo (Contis), lahat kayo riyan, congratulations! Bravo! Mabuhay po ang Bubble Gang. I am really happy that I did this show.”—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News