Matapos na ipasyal sa abroad sa unang pagkakataon ang kaniyang ina nitong Setyembre, ngayon naman, may maagang pamasko na bagong bahay si Anthony Rosaldo para sa kaniyang "mapagmahal at unselfish na nanay."

Sa Instagram, nag-post ang Sparkle star ng larawan nila ng kaniyang ina habang nasa harapan ng regalo niyang bahay.

"Eto na muna regalo ko sa 'yo. [Three] bedroom townhouse unit muna saka na 'yung mansion ha?" saad ni Anthony sa caption.

"Pero seryoso dapat matagal ko nang napagawa ito. Siguro matutuwa 'yun si Papa and Kuya Andy kung buhay pa sila at makikita nila ito," dagdag niya.

Noong December 2022 nang pumanaw ang kaniyang kapatid dahil sa sakit na cancer.

Ayon kay Anthony, natutuwa siya na nagbubunga na ang kaniyang pagsisikap.

"Lalo tuloy akong inspired galingan pa sa trabaho! Focus lang tayo sa goals! Let's go!" sabi pa ni Anthony na dating kalahok sa first season ng "The Clash."

 

 

Nitong nakaraang Setyembre, nag-post din si Anthony ng larawan nilang mag-ina habang nasa Disneyland.

"First time mag-abroad ni Mama at dito ko siya dinala sa happiest place on earth, Disneyland!," sabi ng singer sa caption.

Ayon kay Anthony, wala namang okasyon at sa Disyempre pa ang kaarawan ng kaniyang ina pero nais niyang ipasyal ang kaniyang ina, na para sa kaniya ay BEST MAMA IN THE WORLD!

"God has been so generous to me and I’m truly grateful for that kaya gusto ko lahat ng nakikita ko at nararanasan kong ginhawa ma-experience din ni Mama. Deserve nya to kasi simula bata ako naging napaka supportive nya sa akin. Isang maalaga, mapagmahal at unselfish na nanay," pahayag pa ni Anthony.

 

 

Kamakailan lang ay bumida si Anthony sa "Regal Studio Presents: Monaylisa, at sa musical play na "Ang Huling El Bimbo: The Musical."—FRJ, GMA Integrated News