Suportado rin ni Dianne Medina ang kaniyang bayaw na si  Rayver Cruz at si Julie Anne San Jose. Ipinagdarasal niya na maging maayos ang lahat sa relasyon ng dalawa.

Sa report ng PEP.ph, sinabi ni Dianne na mahal ng mga Cruz si Julie Anne.

"I'm very happy for them, and super-happy rin ang Cruz family sa kanila. Wala [pang] plans, pero ako, sa sarili ko, kung titingnan ko, I confidently I can say, yes, magkakatuluyan sila," ayon kay Dianne, asawa ni Rodjun.

"Pero hindi ko alam kung kailan since may separate works pa sila at careers, so hindi ako sure kung ano plans nila. But definitely, if you're gonna ask me, both sina Rodjun and the family, super yes. Love na love nila si Julie, as in," dagdag pa niya.

Naniniwala si Dianne na natulungan ni Julie si Rayver na mailabas ang mga itinatagong talento ng kaniyang bayaw.

"Pansin niyo, na-bring out talaga ni Julie Anne 'yung mga hidden talent ni Rayver," saad niya. "Nag-gigitara na ngayon, nagpa-piano, kumakanta na rin talaga."

Dati na ring nagkasama sa mga trabaho sina Dianne si Julie Anne.

"And by the way, ka-church ko na siya noong bata pa lang siya. Same church kami sa Our Lady of Annunciation Parish, sa Tandang Sora. [Lector] ako dun, nasa choir naman siya," ani Dianne.

Ayon kay Dianne, mga bata pa sina Julie at Rayver kaya hindi pa nagpapakasal.

"Iba naman ang mga bata ngayon, e, very career-oriented. Ako, kahit naman ako, ikinasal ako at the age of thirty-three. Si Julie, twenty-eight pa lang," paliwanag niya.

Kinakantiyaw din umano ni Rodjun si Rayver na susunod na magpapakasal.

"Super-supportive [si Rodjun] sa kaniya. Mahal na mahal niya ang kapatid niya," ani Dianne na ipinagdarasal na maging maayos ang relasyon nina Rayver at Julie Anne.

"Pag matulog magkatabi, minsan naghu-holdings pa sila, kini-kiss niya ang kapatid niya. Malambing. At saka, naga-'I love you' pa 'yan," dagdag pa ni Dianne.

Bida sina Julie Anne at Rayver sa "The Cheating Game," na mapapanood ngayon sa Netflix. —FRJ, GMA Integrated News