Dahil sa natatanggap na mga batikos, nagbigay ng pahayag si Abegail Rait para linawin ang naging relasyon umano nila noon ng namayapang si Francis Magalona. Humingi rin siya ng paumanhin sa pamilya ng Master Rapper.

Sa kaniyang vlog sa YouTube, sinabi ni Abegail na handa siyang tanggapin ang mga masasakit na salita na ibinabato sa kaniya. Pero pakiusap niya, huwag nang idamay ang anak nila ni Francis na si Francesca.

BASAHIN: Jersey ni Francis Magalona, binili ni 'Boss Toyo' sa halagang P500,000

“Okay lang po sa'kin na ako na ang pinakamasamang tao sa paningin niyo. Homewrecker, kabit, mistress, lahat na ng adjective na nagamit niyo, tanggap ko po. Pero ang pinakikiusap ko lang po sana, wag naman 'yung anak ko," ayon kay Abegail.

Hindi rin umano tama na gamitin sila ng iba para gawing pang-"clickbait" sa internet.

"Aminado po ako, tao lang ako. Nagkakamali, nasasaktan, pero imbis na iiyak ko, pinapakita ko sa anak ko na kaya ko siyang ipagtanggol. Sana po maintindihan niyo ako bilang ina na nagsasalita para sa kanyang anak," dagdag niya.

BASAHIN: Deklara ni Gaile Francesca na anak umano ni Francis Magalona: 'I am my father’s daughter'

Ipinaliwanag din ni Abegail na ibinenta nila ang jersey ni Francis para masuportahan ang planong pagpasok sa showbiz ni Francesca.

“Kung kani-kanino lang kami nanghihiram ng masasakyan. That’s when I talked to Chesca if she will allow to convert funds and put the jersey to a museum to preserve para na rin to pursue career and save some as the only amount she gained from her father. And I know he would do the same to support,” paliwanag niya.

“Para sa kalinawan po ng lahat, wala po akong pinaglalaban. Nagkataon lang na nagbenta ako ng jersey ni Kiko para suportahan ang karerang tinatahak ng anak niya,” ani Abegail. “Ordinaryong bata lang po si Chesca na napakadaming pangarap. Mag-isa lang po akong sumusuporta sa kaniya with my mom at walang magulang ang hindi kayang gawin ang lahat para sa anak niya.”

Humingi rin si Abegail ng paumanhin sa pamilya ni Francis at sa mga taong nasaktan.

"Sa lahat po ng nasaktan, sa pamilya po ni Kiko, humihingi po ako ng dispensa sa lahat ng kaguluhang ‘to. Hindi ko po ipinagmamalaki ang naging kasalanan ko, pero tao lang po ako,” saad niya. “Kung mali man po ang paglantad naming mag-ina, I’m sorry.”

Ayon kay Abegail, sinabi umano sa kaniya ni Francis na single na ito nang magkaroon sila ng relasyon.

“Kung kabit po ako at nanira ng pamilya, sana may maglakas ng loob na sabihin na wala na sila ni Pia nung dumating ako sa buhay niya,” ayon kay Abegail.

"Dalaga po ako nu'ng maging kami ni Kiko. Wala na po siya sa family residence nila for years. And, wala po akong na-violate na batas sa Pilipinas dahil single po ang marital status ng partner ko hanggang sa kinamatayan niya," patuloy niya.

Nang isilang niya si Francesca, nagkaroon ng karamdaman si Francis M. At nang makalabas ng ospital ang Master Rapper, dalawang buwang gulang ang kanilang anak.

“Then, 'di na siya nakalabas pa. Araw-araw po, ako ang kausap niya. Gusto ko pong pumunta pero ayaw ko na pong dagdagan,” sabi ni Abegail.

Sa huli, iginiit ni Abegail na wala silang hinahabol. Ang nais lang niya ay respeto.

“Wala po akong hinahabol. Masyado nang matagal ang mga nangyari. We’re not expecting approval or acceptance, but respect," saad niya.

Unang lumabas ang kuwento nina Abegail at Francesca nang ibenta nila kay Boss Toyo, at bilhin sa halagang P500,000 ang jersey shirt na iniwan sa kanila ni Francis.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag tungkol sa isyu ang asawa ni Francis na si Pia at maging ang kanilang mga anak. —FRJ,GMA Integrated News