Bukod sa pagiging isang Sparkle heartthrob, isa rin si Manolo Pedrosa sa co-owner ng ham business ng kaniyang pamilya na nagsimula pa noong 1990s. Ang kita kapag peak season gaya ng Pasko, umaabot ng milyon-milyong piso kada buwan.

Sa programang Pera Paraan, itinampok ang “Majestic Ham” business ng pamilya ni Manolo, na itayo ng kaniyang mga magulang noon pang early 90s.
Ang kuya ni Manolo na si Jarel ang kasalukuyang hands-on sa pagpapatakbo ng negosyo.

“‘Yung value preposition po kasi namin is quality product. Gusto naming sundin ‘yung Filipino traditional way of cooking and curing ham,” sabi ni Manolo.

Ayon kay Jarel, kailangan nilang iimbak ang mga ham ng tatlo hanggang anim na buwan para sa curing stage nito. Matapos nito, muli silang maghihintay ng anim na buwan para naman sa aging stage ng ham.

Iniimbak nila ang mga ham sa mga oak barrel para manuot ang lasa ng timpla sa karne.

Matapos nito, pauusukan naman ang mga ham gamit ang fruit trees, bago ilalagay sa airing rack para tumulo ang sobrang langis.

Pagkahugas, maaari nang lutuin ang hamon gamit ang brown sugar at secret spices. Pagkatapos nito, maaari na itong i-glaze sa asukal gamit ang "plantsa."

Ang isang whole leg na may timbang na limang kilo ay nagkakahalaga ng P8,000, samantalang ang half leg naman na may timbang na 2.5 hanggang 3 kilos ay nagkakahalaga ng P4,000 hanggang P5,000.

Sa lean months, nakagagawa sila ng 1,000 hanggang 3,000 na ham legs. Pero kapag “ber” months naman, umaabot sila ng hanggang 10,000 ham legs.

Kaya naman tuwing lean season, kumikita sila ng P1 milyon hanggang P2 milyon kada buwan. At kung peak season naman, umaabot ang kanilang kita ng P10 milyon kada buwan.

Silipin sa video ng Pera Paraan ang mabusising proseso ng negosyo nina Manolo para matiyak ang malinis, matamis,  at de-kalidad na lasa ng kanilang ham. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News