Inilahad ng dating “Gwapings” members na sina Mark Anthony Fernandez at Eric Fructuoso ang mga nagawa nilang pagkakamali sa buhay na ayaw nilang magawa rin ng kani-kanilang mga anak.

“‘Yung mawala sa workout, sa gym, sa sports,” pagbabahagi ni Mark Anthony sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Kasi may time na nawala ako sa sports, ‘yung keeping healthy. Dapat continuous lang ‘yon,” pagpapatuloy ni Mark Anthony.

Si Eric naman, tungkol sa pagtitiwala sa ibang tao ang binanggit.

“Siguro huwag magtiwala sa mga tao, kasi ang dapat pagkatiwalaan mo lang ang sarili mo,” sabi niya.

“Kasi sa buhay, hindi natin masabi. You know how life is naman, ‘di ba?” pagpapatuloy ni Eric.

Bukod dito, payo ni Eric sa mga anak na huwag matakot magkamali.

“If it ever happens, okay lang magkamali, just fail forward.”

Bukod kina Mark Anthony at Eric, ilan pa nilang kasama sa 90s variety show ng Kapuso Network na Gwapings sina Jomari Yllana at Jao Mapa.-- FRJ, GMA Integrated News