Sa studio ng "Eat Bulaga" ginawa ang segment na "G sa Gedli" kung saan nagbibigay ng regalong biyaya sina Isko Moreno at Buboy Villar. Pero sa pagkakataong ito, sumama si Paolo Contis na hiniling na "itodo" ang tulong na ibibigay sa isang ginang na labandera at nangangalakal ng basura.
Sa naturang episode, sinabi ng ginang na dati silang naninirahan sa Maynila pero lumipat sila sa Bulacan dahil wala na silang pambayad sa upa.
Sa Bulacan, mayroon silang maliit na bahay kung saan kasama niya ang kaniyang mga magulang, pati na rin ang mga anak at apo.
Ang kaniyang ikinabubuhay, pagiging labandera na kumikita ng P500. Sa isang linggo, nakakapaglabada umano siya ng dalawang beses o katumbas na P1,000.
Nagbabahay-bahay din umano siya sa mangalakal ng mga basura na puwedeng ibenta upang makadagdag ng kita.
Nang tanungin ng mga host kung kumakasya ang kaniyang kita sa pang-araw-araw nilang pangangailanga, sinabi ng ginang na ang mahalaga ay mayroon silang pambili ng bigas para may maisaing at may makain.
Nagbakasakali lang umano siya na pumunta sa studio ng Eat Bulaga, at umaasa na may mapapanalunang premyo. Bagay na hindi naman siya nabigo.
Nang ihahayag na ni Isko ang halaga na ibibigay sa ginang, sinabi ni Yorme na hiniling ni Paolo sa kaniya na itodo ang ibibigay na regalo sa kaniya.
Kaya naman sinabihan ni Yorme si Buboy na abutan ang ginang ng P30,000.
Bukod dito, sinabi ni Yorme na may ibibigay din si Buboy na regalo para sa matandang kasama ng ginang.
Labis naman ang pasasalamat ng ginang dahil bukod sa panggatos, may pambili na rin sila ng gamot para sa kaniyang mga magulang. -- FRJ, GMA Integrated News