Inilahad nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang naramdamang takot nang abutan sila ng kaguluhan sa Israel nang sumalakay ang militanteng grupong Hamas.

Nakatakda sanang mag-perform sina Julie Anne, Rayver at Boobay sa Smolarz Auditorium ng Tel Aviv University para sa “Luv Trip Na, Laff Trip Pa" noong gabi ng Oktubre 7, Sabado, nang makansela ito dahil sa nangyaring pagsalakay ng Hamas.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ikinuwento nina Julie at Rayver na umaga pa lamang ng Oktubre 7, nakarinig na sila ng mga pagsabog mula sa tinutuluyan nila.

“Paggising namin meron na po, malakas ang siren. Kasabay na po kasi noon ‘yung siren, malakas talaga ‘yung siren. In one minute dapat makapasok na sa bunker,” sabi ni Rayver.

“Hindi ko nga rin alam kasi siyempre nahihilo rin ako kung saan pupunta,” dagdag ni Rayver tungkol sa pagtago nila ni Julie at ng Sparkle team sa bomb shelter.

Unti-unting napagtanto nina Julie at Rayver na may digmaang nagaganap, nang makita na nila sa social media na may fans na nagpapadala sa kanila ng mensahe na mag-ingat.

“Curious kami, sabi ko ‘Bakit ano ang nangyayari? Totoo ba itong nangyayaring ito?’ Naririnig na namin ‘yung mga [rockets]” sabi ni Julie.

“‘Yung mga rockets na naririnig namin, ‘yun na pala ‘yun,” dugtong ni Rayver.

“Nanghina ang loob namin noong nakita namin ‘yung music festival, ayun din ang laman ng Twitter,” pagpapatuloy ni Rayver.

Ayon kina Julie at Rayver, tatlong beses silang nagpabalik-balik sa bunker, hanggang sa makaranas sila ng isang pagsabog malapit sa kanilang lugar.

“‘Yung pangatlong beses po, kahit ako napatayo na na medyo nag-panick na ako noon kasi gumalaw po kasi ‘yung mga ilaw. Medyo malapit kami sa pagsabog,” sabi ni Rayver.

“Kami we were just talking about like, ‘Wow totoo ba itong nangyayari na ito?’ Kasi siyempre first time namin sa Israel and first time rin naming maka-experience ng ganu’n,” ani Julie.

“Medyo malapit ‘yung pagsabog na narinig eh,” pagpapatuloy ni Rayver.

Sa kabila nito, laking pasasalamat nina Julie at Rayver na ligtas sila.

“Kahit saang lugar ka pa, anything can happen in a split second. Ang daming posibilityies na puwedeng mangyari na sa tulong ni Lord, naiwasan,” sabi ni Rayver.

Matatandaang inilunsad ng Hamas ang pag-atake sa Israel sa pagpapakawala ng mga rocket mula sa Gaza, na sinabayan ng paglusob ng mga armadong militante sa ilang bayan sa Israel.

Nasa 30,000 ang mga Pinoy na nasa Israel, na karamihan ay nagtatrabaho bilang caregiver. Sa ngayon, tatlong Pinoy na ang kumpirmadong nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas, ay ilang pang nawawala. -- FRJ, GMA Integrated News