Inihayag ni Mac Coronel, aka Taylor Sheesh na hindi siya makapaniwala sa nakukuha niyang suporta mula sa mga kapuwa niya "Swifties," dahil sa kaniyang paggaya sa kanilang idolo na si Taylor Swift.
Sa panayam ng "Share Ko Lang" ni Dra. Anna Tuazon, Psychologist, sinabi ni Mac na overwhelmed siya at hindi niya inasahan na magkakaroon ng mall tour ang kaniyang drag career dahil ang gusto lang naman niya ay makapag-perform.
"Before ako mag-perform, ini-introduce na ako ng mga host grabe yung abang ng mga tao sa akin. Napapaisip ako na parang... 'ganito ba ako ka-viral? like... parang gusto ko lang mag-perform," sabi ni Mac.
"Minsan lalabas lang ako ng bahay nakikilala na ako without make-up pa... parang nakaka-overwhelmed," patuloy niya.
Dahil napapansin na rin siya ng iba't ibang foreign media, sinabi ni Dra. Anna na hinihintay na lang niya ang "inevitable moment" na mangyari ang magkakaharap sina Taylor Swift at Taylor Sheesh, na inaasam din siyempre ni Mac.
Ayon kay Mac, 2009 ay fan na siya ni Swift. Habang nagsimula naman siyang maging drag artist noong 2017.
Kuwento niya, nagsimula siyang maging drag performer nang magkaayaan sila ng kaniyang kaibigan na dumalo sa isang "drag cartel" na competition ng mga drag artist bilang libangan.
Nang sandaling iyon, sinabi ni Mac na naka-Lady Gaga outfit siya dahil iyon ang theme nang gabing iyon. Nang magkaroon ng lip sync battle, sumali siya, at nanalo.
Mula noon, kinuha na siya bilang performer sa lugar.
Pag-amin ni Mac, sa labas ng pagiging drag artist, masayahin siyang tao pero mahiyain lalo na kapag unang beses pa lang niyang nakita o nakilala ang isang tao. Pero nagbabago raw ang persona niya kapag naka-costume at all out na siya sa pagtatanghal.
Gaya nang hindi niya inaasahang pagkakapasok bilang drag performer, hindi rin daw inasahan ni Mac na magmamarka siya bilang impersonator ni Taylor Swift, at maging si Taylor Sheesh na mall tour.
Paano nga ba nagsimula na maging Taylor Sheesh si Mac? Tunghayan ang kaniyang buong kuwento sa video na ito ng "Share Ko Lang" kung saan ipinaliwanag niya kung ano ang pagkakaiba ng isang impersonator at isang drag performer. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News