Kapag pinagmasdan ang tirahan ng mga langgam, sinabi ng Filipino-Canadian comedian na si Mikey Bustos para kang tumitingin sa lungsod ng mga tao.
Kamakailan lang, binigyan ng kredito si Mikey dahil sa nadiskubre niyang bagong uri ng langgam na nasa kanilang bakuran sa Cavite. Noon pa man, sinabi ni Mikey, na inoobserbahan na niya ang mga langgam dahil namamangha siya sa ugali ng mga ito na parang mga tao.
Sa panayam ng GTV News “Balita Ko” nitong Huwebes, inilahad ni Mikey na mahilig siya sa mga hayop at pangarap niya noon na maging scientist.
“I studied zoology at a university in Toronto, Canada,” sabi ni Mikey pero hindi natapos ang naturang kurso.
“So my whole life I thought, ‘O wala na, I don’t have a dream to work in that [field]. Pero ngayon, I have an ant channel AntsCanada on YouTube, and I’m working in the sciences again even if I’m not finished,” saad ng Filipino-Canadian comedian.
Bago pa man niya madiskubre sa kaniyang bakuran ang Meranoplus bicolor, o tinatawag ding bicolored shield ant, mahilig na talaga si Mikey sa mga langgam.
Base sa kaniyang obserbasyon, tila mga tao rin ang mga langgam.
“I have been doing my ant channel [since] 2009, before my comedy content. Mahilig ako sa mga langgam dahil they are like tao, they have societies na milyones ang miyembro. They have a garbage site, they have a graveyard, may cemetery. They are like people,” sabi niya.
“When you have an ant colony, it’s like watching a city of people,” dagdag ni Mikey.
Ang Meranoplus bicolor ang ika-555 ant species na naidokumento sa Pilipinas, kaya pinangalanan ito ni Mikey na Species #555.
Payo ni Mikey sa mga naiirita sa mga langgam, hindi peste at mahalaga ang mga ito sa ecosystem.
“There are thousands of species of ants. Dito sa atin… only a handful of ants are the ones you see sa bahay. The rest are non-pests. Hindi peste. They are very important sa ecosystem,” paliwanag niya.
Nagpahiwatig si Mikey na posibleng may panibago pang species ng langgam na madidiskubre sa kaniyang bakuran.
“Actually there’s one species of ant that might be a new species found sa yard namin. Hoping,” sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News