Ang lungsod ng Cebu ang pinakabagong lugar sa bansa na nagdeklara sa drag artist na si Amadeus Fernando Pagente o Pura Luka Vega, na persona non grata, o hindi welcome sa kanilang lungsod.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing inaprubahan ng Cebu City council ang resolusyon nitong Miyerkules na nagdedeklarang “offensive” ang ginawang pagtatanghal ni Pura.
Patungkol ito sa drag performance ni Pura na nakabihis siya na tila santo habang may tugtog na rock remix ng Ama Namin.
Kamakailan lang, nag-post sa Twitter, si Pura na bukas siya sa pakikipag-usap sa mga lokal na opisyal makaraang ideklara siyang persona non grata ng ilang lalawigan at lungsod.
“Tell me exactly what I did wrong. I’m open for a dialogue and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance. Drag is art. You judge me yet you don’t even know me,” saad niya sa tweet.
Nauna nang ideklarang persona non grata si Pura sa Lungsod ng Maynila, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, at Toboso sa Negros Occidental, Laguna, Nueva Ecija, at Cagayan De Oro.
Sinampahan din siya ng reklamo ng mga deboto ng Itim ng Nazareno sa piskalya ng Maynla.--FRJ, GMA Integrated News