Ginawang mas mabuhuluhan ni Smokey Manaloto ang selebrasyon ng unang kaarawan ng kaniyang anak na si Kiko na nagpasaya ng mga bata sa isang bahay-ampunan sa Rizal.

Sa Instagram, ibinahagi ng aktor ang mga larawan sa birthday celebration ni Kiko na ginawa sa New Faith Family Children's Home sa Cainta, Rizal.

Ayon kay Smokey, nagpasya sila ng kaniyang partner na gawin ang kaarawan ng kanilang anak sa bahay-ampunan para ibahagi ang kanilang biyaya sa pagdating ng kanilang anak sa kanilang buhay.

"It was an afternoon filled with laughter, games, toys and great food," saad ng aktor sa caption.

Hindi umano inasahan ni Smokey ang sobrang emosyon na kaniyang mararamdaman.

"Sa sandaling oras na nakapag-share kami ng mga regalo sa kanila ay ang bilis ding napalapit ang loob namin sa mga bata doon," pahayag niya.

"Lahat sila magagalang... lahat sila palatawa... lahat sila mabait... at higit sa lahat... lahat sila ay may magandang relasyon sa ating Panginoon," ayon sa aktor.

 

 

Nagpasalamat si Smokey sa pamunuan ng bahay-ampunan na pinayagan silang makasama ang mga bata.

Naglagay din ng mensahe si Smokey para sa kaniyang anak.

"Anak... gawin nating tradisyon ito ha? Sana magkaroon ka ng malaking puso para lagi kang magshe-share ng love sa lahat ng mga nangangailangan," saad niya. "Mahal na mahal ka namin Kiko."

Sa edad na 51 nang maging ama sa unang pagkakataon si Smokey.—FRJ, GMA Integrated News