Ang mga bida sa Kapuso hit afternoon series na "Abot Kamay na Pangarap" ang nagpagalingan sa Word of the Rings segment ng "Eat Bulaga." Sino kaya sa tambalan ng "mag-inang" Moira at Zoey at "mag-amang" RJ at Analyn ang magwawagi?

Sa kanilang pagsabak sa naturang word game ng Eat Bulaga, si Moira [Pinky Amador] ang tagapagsabi kung tama o mali ang mga sasabihing salita ni Zoey [Kazel Kinouchi].

Ang salitang "rambutan" ang kailangang hulaan ng "mag-ina." Pero kahit isa itong "prutas," napasabi ng "tama" si Pinky nang magtanong si Kazel kung "bagay" ba ang pinapahulaang salita.

Kaya naman nagbigay ng mga salita si Kazel na patungkol sa bagay gaya ng accessories at iba pang gamit. Nang mapagtanto ni Pinky na hindi dapat siya nagsabi ng tama sa "bagay," sinabi niya ang "category" na ikinalito ni Kazel, at naging dahilan para magtawanan ang mga dabarkads.

Dahil dito, bumalik si Kazel sa pagbibigay ng category hanggang sa makatama na siya sa "pagkain," na kinalaunan ay natumbok na ang prutas.

Gayunman, dahil hindi "common" sa Pinoy ang rambutan, nabigo ang mag-ina na mahulaan ang naturang salita. Ang nakatutuwa, hindi naman nagtarayan ang "mag-ina" gaya ng kanilang mga karakter sa serye.

Samantala, ang "mag-amang Dr. RJ [Richard Yap] at Dr. Analyn [Jillian Ward], ang umusad sa jackpot round sa "Word of the Rings."

Gaya ng kanilang mga karakter, kalmado lang ang mag-ama sa salitan o palitan nilang pagsagot. Mahulaan kaya nila ang lahat ng salita with a little help from a friend na si Michael [Dominic Ochoa]? Panoorin ang masayang laro.

--FRJ, GMA Integrated News