Hindi lang araw at oras ang magiging bago sa longest gag show sa bansa na "Bubble Gang," kundi magkakaroon din ito ng mga bagong miyembro.

Sa Kapuso Showbiz News, inihayag ni EA Guzman na katuparan ng kaniyang pangarap ang maging regular member na ng "Bubble Gang."

"Dati pangarap ko lang na makasama, matawag na regular cast sa 'Bubble Gang,' para sa akin achievement na 'yon. Ngayon nangyari na siya," sabi ng aktor.

Ayon pa kay EA, hindi niya makakalimutan nang una siyang mag-guest sa gag show at agad daw niyang pinangarap na sana ay maging regular na kasama siya sa show.

"Hindi ko makakalimutan yung first time na nag-guesting ako dito sa 'Bubble Gang and napakasarap," saad ni EA na iba raw ang pakiramdam kapag nagtatrabaho sa 'Bubble' na puwede niyang mailabas ang kaniyang pagiging makulit.

Dagdag pa ni EA, game siyang gawin at kakayanin niya ang lahat ng role na ipapagawa sa kaniya sa "Bubble Gang."

Bukod kay EA, magiging ka-"Bubble" na rin si Buboy Villar, na nangakong ibibigay ang lahat para sa naturang show.

Aminado si Buboy na nakararamdam siya ng pressure sa pagiging bagong miyembro ng gag show na pinapanood daw niya mula pa noong bata siya.

Ayon sa Kapuso comedian, 100% siyang pumayag nang sabihang makakasama siya sa gag show na pinapangunahan ng Kapuso comedy genius na si Michael V.

"Gustong-gusto ko ang challenging, gustong-gusto ko na nag-a-upgrade. Mas gusto ko yung napapanood ko dati ay magagawa ko rin, which is sa dami ng artista ako yung nandito so ano ang dapat kong gawin, 100% ibibigay ko yung best ko," ani Buboy.

Simula sa July 9,  mapapanood na ang Bubble Gang tuwing Linggo, sa mas maagang oras na 6 p.m.

Papalit sa time slot ng Bubble Gang sa Biyernes ang "Amazing Earth" ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.--FRJ, GMA Integrated News