Sa nakaraang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda,” natanong ang aktres na si Kakai Bautista kung sino ang nais niyang maka-date.

Sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, kasama ni Kakai bilang guest sa talk show si Cai Cortez.

Medyo nag-alinlangan pa muna si Kakai na sabihin kung sino ang gusto niyang maka-date dahil baka-bash umano siya.

"Si Stell ng SB19," sabi ni Kakai.

Ayon pa kay Kakai, dream niyang maka-kissing scene si Piolo Pascual, habang "jojowain" naman para sa kaniya sina Dennis Trillo, Alden Richards at Betong Sumaya.

Si Stell ang main vocalist ng SB19, at isa sa coaches ng upcoming talent reality show na "The Voice Generations."

Bukod sa pagiging aktres, kilala rin na mahusay na singer si Kakai. Noong Enero, inihayag niya na siya ang kumanta sa likod ng theme song ng GMA series na “Maynila.”

Samantala, nakatakda namang magkaroon ng world tour ang SB19 para sa kanilang extended play na “PAGTATAG!” -- FRJ, GMA Integrated News