Dahil naging magkasabay at nagkasama pa noon sa singing competition na Pop Star Kids, tinanong si Rita Daniela sa "Fast Talk with Boy Abunda" kung nakaramdam ba siya ng kaunting inggit sa tagumpay ngayon ni Julie Anne San Jose?
“Rita, diretsong tanong. Nakikita mo ngayon si Julie Anne, she's doing concerts, she has successful teleseryes, top-rating teleseryes, movies, in other words, she's on top of her game, kasabayan mo. Kapag nakikita mo ba si Julie Anne, may konting kurot? May konting inggit?,” saad ni Tito Boy kay Rita nitong Huwebes.
Mabilis na sagot naman ni Rita, “Wala po, Tito Boy.”
Patuloy ng singer-actres, “Kasi, naniniwala po ako na we all have our seasons. At ito ang season ni Julie, at ang season ko ngayon is to be a full-time mom and to be the best mom to Uno.”
Sinabi rin ni Rita na batid nila na ni Julie Anne na isang healthy competition ang mayroon silang dalawa ng kaniyang kaibigan.
"We're both competitive and I like that about us,” saad niya.
Sa naturang singing contest na "Popstar Kids" noong 2005, si Rita ang nanalong champion sa Season 1, habang naging finalists naman si Julie Anne.—FRJ/GMA Integrated News