Bagaman nabu-bully noong bata dahil sa pagiging "mabalahibo," inihayag ngayon ni Yasser Marta na natanggap na niya ang pagiging balbon bilang isang katangian.
Sa Fast Talk segment ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, pinakumpleto kay Yasser ang pangungusap na, “I am Yasser Marta, I am sexy because…”
“I am Yasser Marta, I am sexy because mabalbon ako,” sagot ng Kapuso actor.
Hinangaan ni Tito Boy si Yasser sa kaniyang pagiging proud sa sarili, anoman ang kaniyang katangian.
“Kasi noong bata ako Tito Boy binu-bully ako dahil sa buhok eh. Unggoy daw, laging sinasabing buhok na tinubuan ng tao,” pagbabahagi ni Yasser.
Ngunit ngayon, natutunan na raw ni Yasser na tanggapin ang kaniyang kakaibang katangian bilang isang lalaki.
“Natutunan ko na rin pong i-embrace rin, hindi naman ‘yung imperfections, pero kung ano talaga ako kasi dito sa atin bihira naman ‘yung may ganitong features. Pero tinanggap ko na rin at mas naniniwala ako na I am unique,” saad niya.
Dahil dito, makikita sa ilan niyang social media post ang kaniyang pagpapa-sexy.
“Nasimulan ko na Tito Boy, nag-underwear na ako so for me, ngayon ‘yun din ang isa sa mga pinagfo-focus-an ko,” saad niya.
Sa Fast Talk segment, inihayag ni Yasser na pinaka-sexy na parte ng kaniyang katawan ang kaniyang dibdib, at feel pakiramdam pinaka-sexy siya “when I’m at my bed.”
Para kay Yasser, pinaka-sexy ang isang babae kapag genuine ang kaniyang happiness. --FRJ, GMA Integrated News