Ibinahagi ni Shayne Sava ang mapait niyang nakaraan nang iwan sila ng kaniyang ama noong siya’y bata pa, at ang pagpapakatatag ng kaniyang ina para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan ni Tito Boy ang kuwento ni Shayne noong minsang umuwi ang kanilang ama na may kasamang “best friend” umano, na kalauna’y nalaman nilang “other woman” nito.
“Noong bata po kasi hindi ko pa alam ‘yung gravity… Kasi siyempre kapag bata ka, noong nalaman ko lang na ‘Ay, ano pala ‘yun ng daddy ko,’ nasaktan ako pero hindi ko rin naman siya masyado napansin,” sabi ni Shayne.
Ngunit labis ang sakit ng kaniyang ina sa nangyari.
“Grabe Tito Boy. As in nakita ko kung paano nag-beg ‘yung mama ko. Lumuhod po talaga siya, as in. Tapos noong umalis na talaga ‘yung daddy ko, like it was very traumatizing. Kasi nakita ko kung gaano kawasak ‘yung mama ko tapos iyak lang siya nang iyak. It’s very traumatizing for my age kasi I was only six years old back then,” kuwento ni Shayne.
Tinanong ni Tito Boy si Shayne kung napatawad na niya ito.
"Right now as you ask me that, napatanong din ako sa sarili ko kung papatawad ko na ba totally. Pero we’re in good terms naman po, pero there’s this in the back of my mind na sana, kung hindi niya kami iniwan, ano kaya ‘yung buhay namin ngayon?”
“As I grow up wala po akong tatay, ‘yung lola ko lang po ‘yung tumayong tatay para sa akin. So ano po kaya ‘yung pakiramdam na lumaki na meron talagang tatay sa tabi ko?” dagdag ni Shayne.
Ngunit ngayon, sinabi ni Shayne na wala na siyang galit sa kaniyang ama.
“Wala na po,” saad ng Sparkle actress.
Gayunman, hindi niya maiwasang kwestiyunin ang pagmamahal ng kaniyang ama.
“Kung nanonood ka po ngayon, gusto ko lang tanungin kung hindi pa ba kami naging sapat sa ‘yo noong mga bata kami, hindi pa ba kami naging sapat sa ‘yo? Kung bakit mo kami iniwan? Hindi mo ba kami talaga mahal?” mensahe ni Shayne sa kaniyang tatay.
“‘Yun ‘yung mga tanong na paulit-ulit na tumatakbo sa utak ko, na bakit niya kami iniwan? Hindi pa ba kami sapat, hindi ba niya kami totoong mahal?” pagpapatuloy niya.
Sa ngayon, bumabawi na ang kaniyang tatay sa kanilang pamilya.
“Lalo po sa kapatid ko na mas bata sa akin,” sabi ni Shayne.
Mensahe ni Shayne sa kaniyang inang dumaan sa pagsubok:
“Mama, kung nanonood ka man po nito, gusto ko lang po sabihin sa inyo na I’m very, very proud of you. Kasi superhero ko po kayo kasi kung wala kayo sa amin kasi hindi ko alam kung saan kami pupulutin hanggang ngayon. And sobra po akong nagpapasalamat sa inyo kaya I love you so much Mama. And sana po maging proud kayo sa akin sa lahat ng achievements ko sa buhay. And ipagpapatuloy ko po na matupad po ‘yung pangarap nating lahat.”—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News