Hindi lang apat, kung hindi lima, at maaaring maging anim pa ang autoimmune disease na taglay ni Kris Aquino. May bagong gamot din siyang susubukan na sinimulan na niyang inumin sa pamamagitan ng "baby dose."

Sa Instagram, nag-post si Kris ng video habang nasa klinika siya ng kaniyang duktor at sinubukan ang bago niyang gamot na Methotrexate.

Sa caption, ipinaliwanag ng self-styled Queen of All Media na ang methotrexate, ay gamot para sa cancer, psoriasis, at rheumatoid arthritis.

"Roughly 13 hours ago, i started my 1st 'baby dose' of methotrexate (para hindi na kayo mag google: Methotrexate is in a class of medications called antimetabolites," paliwanag niya.

"Methotrexate treats cancer by slowing the growth of cancer cells. Methotrexate treats psoriasis by slowing the growth of skin cells to stop scales from forming. Methotrexate may treat rheumatoid arthritis by decreasing the activity of the immune system," patuloy ni Kris.

Ayon pa kay Kris, nang dumating siya sa US noong 2022, nalaman niya na ang dating tatlong autoimmune condition niya, naging apat na.

"Namely: chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, and Churg Strauss or what’s now been renamed EGPA- a rare and life threatening form of vasculitis," pagbabahagi pa niya.

Sinabi rin ni Kris na, "I started taking a new biological injectable," para maibaba umano ang kaniyang IgE (ang bilang ng allergens sa kaniyang dugo) pero nananatili raw itong mataas.

Nahirapan pa umano ang kaniyang lead doctor sa UCLA na kombinsihin siyang subukan ang methotrexate. Pero nang makita umano niya na mataas ang kaniyang inflammatory numbers, pati ang ANA, pumayag na siya.

Sinimulan ang pag-inom niya ng methotrexate sa "baby dose," at paunti-unting itataas ang dosage nito.

"For now it’s definite I have 5, possibly 6 autoimmune conditions," ani Kris, na humihiling na patuloy siyang ipagdasal, ang kaniyang mga duktor, at pamilya.

 

 

— FRJ, GMA Integrated News