Nagsimula nang mapanood ang hit Kapuso historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra” sa Netflix.
Sa ulat ng 24 Oras, sinabing nasimulan nang mapanood ang “Maria Clara at Ibarra” sa streaming streaming platform nitong Biyernes, Abril 14.
Kaya kung miss na ng viewers sina Klay, Maria Clara, Crisostomo Ibarra at Fidel, maaari na silang mag-binge watch kasama ang pamilya.
Ang “Maria Clara at Ibarra” ay tungkol sa Gen Z nursing student na si Klay Infantes na hindi interesado sa kaniyang araling panlipunan, partikular na sa asignatura niyang Rizal.
Nang mabisto ng kaniyang propesor na si Mr. Torres na nang-plagiarize lang siya ng report, pinahiram si Klay ng kaniyang guro ng kopya nito ng “Noli Me Tangere.” Hindi alam ni Klay na may taglay na hiwaga pala ito at dinala siya sa mundo ng nobela.
Ginagampanan si Klay ni Barbie Forteza, Dennis Trillo bilang si Crisostomo Ibarra, Julie Anne San Jose bilang si Maria Clara, at David Licauco bilang si Fidel.
Bahagi rin ng cast sina Juancho Trivino bilang Padre Salvi, Rocco Nacino bilang Elias, Andrea Torres bilang Sisa, Tirso Cruz III bilang Padre Damaso, at Khalil Ramos bilang Basilio. —LBG, GMA Integrated News