Emosyonal na ibinahagi ni Lexi Gonzales ang hirap na pinagdaanan ng kaniyang ina na isang solo parent, lalo pa't may autism spectrum disorder ang kaniyang kapatid.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinabi ni Lexi dahil sa kanilang sitwasyon, ginawa niya ang kaniyang makakaya para makapasok sa showbiz at matulungan ang kaniyang ina.

"My mom really did her best to raise me and my younger brother na siya lang mag-isa. My brother is also part of the autism spectrum, so I understand how hard it was for her. Kaya I really did my best to enter showbiz kasi I think I have a chance here to help my mother, my brother and my family," saad ng "Underage" star.

"Kasi nakita ko kung paano siya naghirap eh. And alam mo 'yung feeling na ayaw mong nakikitang nahihirapan 'yung nanay mo, ayoko ng ganu'n. So I wanted na someday, hindi na siya mahihirapan kasi andito ako for her. Wala man 'yung dad ko to help us and support us, pero at least we have each other," dagdag pa ni Lexi.

Nilinaw naman ni Lexi na hindi siya galit sa kaniyang tatay, at tanggap na ang sitwasyon ng kanilang pamilya.

"I'm very much in touch with my dad right now. I love my dad. Ako, tanggap ko rin kung ano na 'yung buhay niya ngayon, how he is right now. Ako, I support my dad, I love him. But there's just a different side of me na I just really care and I want a good life for my mom," paliwanag niya.

Gayunman, nagpahiwatig si Lexi na nakararamdam siya ng pangungulila sa ama.

"Are you happy for me and mom? Would you give me more chances to be with you?" tanong ni Lexi sa kaniyang ama nang hingan ng mensahe ni Tito Boy.

Sa Updated with Nelson Canlas podcast, ibinahagi ni Lexi na nag-aaral ang kaniyang kapatid ngayon at naibibigay na rin niya ang mga pangangailangan nito.

Patuloy aniyang nagpursigi sa trabaho si Lexi para makatulong sa gastusin para sa kapatid at lubos ang kaniyang pagpapasalamat dahil nakikita niya ang nagiging progreso nito. --FRJ, GMA Integrated News