Inihayag ni “Bida Next” winner na si Carren Eistrup na hindi niya napigilang umiyak sa unang araw niya bilang bagong host ng “Eat Bulaga” dahil iniisip niyang hindi niya naabot ang inaasahan sa kaniya ng mga manonood.
“Noong first day ko po, kinakabahan po ako kasi it’s a new environment at nag-a-adjust pa po ako. Kaya po tinulungan ako, like giving advices katulad po ni Ate Ryzza (Mae Dizon), sabi niya I can react, puwede ko ring kausapin ‘yung writers if puwede ba akong mag-adlib,” sabi ni Carren sa isang media conference, na mapapanood sa Kapuso Showbiz News.
Inamin ni Carren na nakaramdam siya ng pressure na mapabilang sa longest-running noontime show.
“To be honest, pressure po talaga siya eh, especially ‘yung first day ko po as Dabarkads. Kasi ang gagaling na rin ng mga kasama ko, ang tagal na nila sa Eat Bulaga and then I’m just starting. Pero ‘yun nga po, I’m still adjusting and then I think I’m doing better naman po everyday. I’m very open naman po for more improvement,” saad ng 13-anyos na Cebuana singer.
“‘Yung expectations naman po ng mga tao sa akin, I think I am not taking it as a bad thing. I’m actually also scared of bashers,” pag-amin ni Carren.
Ikinuwento ni Carren na hindi niya maiwasang umiyak dahil hindi niya nagampanan umano ang inaasahan sa kaniya ng mga tao.
“There was one time, kasi noong first day ko po sa Eat Bulaga, sa dressing room po umiyak po ako kasi I was very disappointed with myself kasi feeling ko I didn’t do great. Hindi ako nakapasa sa expectations ng tao. First day ko po kaya hindi ko po na-ano ‘yung comments,” sabi niya.
Pinayuhan si Carren ng Dabarkads na pag-igihan pa niya ang kaniyang sarili.
“Pero they said to me na ‘Panoorin mo ‘yung sarili mo sa TV so that malaman mo kung saan ‘yung mga mali mo and then which parts that you can improve,” anang dalagita.
Naka-bonding na rin ni Carren ang EB Dabarkads, na tinanggap siya bilang bahagi ng kanilang pamilya.
“Nakaupo raw po ako roon sa mismong dining table ng host room. Sabi nila na ‘Mahal ka raw nila.’ And then belong na po ako as part of their EB family. Pinaupo po nila ako roon tapos kumain lang kami,” kuwento ni Carren.
Nakatanggap din si Carren ng payo mula sa mga haligi nang sina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon, o mas kilala bilang “Tito, Vic and Joey.”
“Sabi po nila that I’m doing great and then improve lang daw,” sabi ni Carren.--FRJ, GMA Integrated News