Isinailalim sa operasyon at nasa intensive care unit ang Hollywood actor na si Jeremy Renner bunga nang tinamong pinsala sa dibdib nang maaksidente habang nag-aalis ng snow.
Sa ulat ng Reuters, inihayag ng publicist ng aktor na si Samantha Mast, na nagtamo ng "blunt chest trauma and orthopedic injuries" si Jeremy, na kilala bilang si "Hawkeye" sa Marvel "Avengers" movies.
"Critical but stable" umano ang kalagayan ni Jeremy sa isang ospital sa Nevada.
Nag-aalis umano ng snow ang aktor nang mangyari ang insidente.
"Jeremy's family would like to express their gratitude to the incredible doctors and nurses looking after him, Truckee Meadows Fire and Rescue, Washoe County Sheriff, Reno City Mayor Hillary Schieve and the Carano and Murdock families," ayon sa inilabas na pahayag ni Mast.
"They are also tremendously overwhelmed and appreciative of the outpouring of love and support from his fans," patuloy niya.
Sa inilabas na pahayag ng Washoe County Sheriff's Office, sinabi nito na rumesponde sila sa isang "traumatic injury in the area of Mt. Rose Highway in Reno, Nevada" noong Linggo dakong 9 a.m.
Ang aktor lang umano ang sangkot sa insidente, at dinala sa isang "local area hospital in a care flight."
Ayon sa ulat, batay sa Reno Gazette Journal, may bahay ang 51-anyos na si Jeremy sa Washoe County, Nevada. Noong bisperas ng Bagong Taon, nagkaroon ng matinding snowfall sa northern Nevada.
Noong nakaraang buwan, nag-post sa social media ang aktor na makikita ang epekto ng matinding buhos ng niyebe sa lugar.
"Lake Tahoe snowfall is no joke," sabi ni Jeremy sa tweet noong Disyembre na makikita ang isang sasakyan na natabunan ng snow.
Taong 2012 nang magpunta sa Pilipinas si Jeremy at aktres na si Rachel Weisz para sa shooting ng Hollywood film na "The Bourne Legacy." --Reuters/FRJ, GMA Integrated News