Dinagsa ng mga magkakaanak at magkakaibigan ang mga sinehan para manood ng mga pelikulang kalahok sa unang araw ng Metro Manila Film Festival 2022 nitong Linggo.
Sa ulat sa “Unang Balita”, sinabing naging masigla ang pagbubukas ng MMFF matapos itong matigil ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Para sa ilang pamilya, bonding time nila ang panonood ng sine sa araw ng Pasko.
Mas dumami rin daw ang mga tao sa mall para mamasyal at manood ng sine kumpara noong nakaraang taon.
Ngayong taon, walong pelikula ang kalahok sa MMFF na binubuo ng Deleter, Family Matters, Mamasapano: Now It Can Be Told, My Father, Myself, Nanahimik Ang Gabi, Partners in Crime, Labyu with an Accent, at My Teacher.
Gaganapin naman ang Gabi ng Parangal sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Ipapalabas ang mga pelikula sa mga sinehan mula Disyembre 25, 2022 hanggang Enero 7, 2023.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News