Kahit hindi muna napapanood sa telebisyon, inihayag ni Cogie Domingo na hindi pa rin niya isinasantabi ang showbiz at gusto niyang bumalik sa pag-arte.

Sa nakaraang Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga noong Lunes, isa si Cogie sa guest choices tungkol sa mga 90s heartthrob na may mga anak na ngayon.

Ngunit kahit isa nang ama, sinabi ni Cogie na miss niya ang pagiging aktor.

“Actually ang showbiz, hindi nase-set aside. Nandiyan lagi sa heart ko pa rin 'yung pag-arte."

"One day, gusto kong bumalik sa pag-arte pa rin. Feeling ko, kaya kong ibalik 'yung dati,” dagdag ni Cogie.

Edad 16 nang pumasok sa showbiz si Cogie at isa sa naging teen idols noong 90s.

Mas nakilala pa siya nang bumida sa 2000 crime film na "Deathrow" kasama sina Eddie Garcia, Pen Medina at Jaclyn Jose. 

“It was all fun and games, parang ganu'n... You’re having fun pero hindi mo sineseryoso masyado until malaman mo na kailangan mo na pala talagang seryosohin, trabaho kasi ito,” sabi ni Cogie. —Jamil Santos/NB, GMA News