Unang biyahe sa abroad ni Allen Ansay sa Singapore, at doble ang kasiyahan ng binata dahil kasama niya ang ka-love team na si Sofia Pablo. Ano kaya ang nadiskubre pa ng "Team Jolly" sa isa't isa?
"Napakasaya kasi ang ganda du'n. Alam mo 'yung tipo na kahit mag-iwan ka ng gamit, walang kukuha ng gamit mo," sabi ni Allen sa Kapuso Showbiz News.
Ilan sa mga binisita nina Sofia at Allen ang Universal Studios, Adventure Cove at isla ng Sentosa, at sinubukan din ang iba't ibang masasarap na pagkain.
Nawili rin sina Sofia at Allen sa pagsakay sa bus at train, na mas gamit bilang transportasyon.
Si Sofia naman, sinabing ito rin ang una niyang travel matapos ang pandemic, at ang una ring out of the country trip kasama si Allen.
"Kasi before, every year, may pinupuntahan kami ng family ko. So I'm happy na nakapag-travel na ako, and this time, with Aki (Allen) naman," sabi ni Sofia.
Mas nakilala pa nina Sofia at Allen ang isa't isa sa kanilang out of the country trip.
"Ang na-discover ko kay Sofie, kapag nasa ibang bansa siya... hindi siya magastos, bibilhin niya 'yung kailangan niya lang. Kung tutuusin sa ibang bansa ang daming mga mura, mga magaganda na hindi mo naman magagamit," sabi ni Allen tungkol kay Sofia.
Sa halip na unahin ang sarili, inuna ni Sofia na bilhan ng pasalubong ang kanilang mga kakilala.
"Kasi mura na 'yung mga gadget doon mga 20% lang, hindi siya bumili noon. Ang binili niya, 'yung kailangan niya, 'yung magagamit niya," sabi ni Allen.
Paliwanag naman ni Sofia, "Siyempre, money is a thing na hindi ka sure kung hanggang kailan talaga. So until you have it, spend it wisely."
"Na-discover ko kay Aki is, ibang klase pala talaga 'yung hilig niya sa Indian food," sabi naman ng teen actress.
"Kung mapapanood mo, maraming nagba-bash sa food nila. Pero once na makain mo na, maa-appreciate mo 'yung lasa, lalo na 'yung fried chicken nila. Ang dami kong tinry na chicken curry nila. Ang sarap, promise, 'yun na ang kinakain ko lagi," sabi ng StarStruck season 7 First Prince.--FRJ, GMA News