Wikang Filipino pa rin ang gagamitin ni Herlene Budol sa pagsabak niya sa kauna-unahang Miss Planet International 2022 beauty pageant na gaganapin sa Uganda.
Sa Chika Minute report kay Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing idinaos ang send-off para kay Herlene na dinaluhan ng mga kaibigan, fans, at ilang mga nakasama niya sa Binibining Pilipinas.
Nagpasalamat si Herlene sa mga pumunta at nagpakita ng suporta sa kaniya.
Hindi raw makapaniwala ang 1st runner-up sa Bb. Pilipinas, na hindi pa tapos ang kaniyang beauty pageant journey.
Kaya naman daw pinaghandaan niya ang gagawing pagsabak sa Miss Planet International 2022, upang maging karapat-dapat na kinatawan ng Pilipinas, at maiuwi sa bansa ang korona.
At gaya ng ginawa niya sa Q-and-A ng Binibining Pilipinas, wikang Filipino pa rin daw ang gagamitin ni Herlene sa Miss Planet International pageant.
"Magta-Tagalog [Filipino] po ako para hindi ko po palalimin yung mga English ko. Kasi baka mapahiya ko po ang buong Pilipinas. Doon pa tayo sa... play safe po tayo sa Tagalog," paliwanag niya.
Kabilang sa aalayan niya ng pagsali sa naturang international bueaty pageant ang kaniyang pumanaw na lola na nag-alaga sa kaniya ang tinatawag din niyang nanay.
"Para pa rin sa kaniya. Kasi siya yung nangarap sa akin na sana... 'Ang apo ko pang-international.' Baka nga siya ang nagdala sa akin dito," sabi ni Herlene.--FRJ, GMA News