Matapos saktan nang ipagpalit sa ibang babae, laking gulat daw ng Kapuso veteran actress na si Dexter Doria na biglang nagparamdam sa kaniya ang dayuhang ex-boyfriend.

Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Dexter na 45-anyos siya noon at 30-anyos naman ang dayuhan niyang manliligaw na nagtatrabaho sa isang embassy.

Nahulog naman daw ang loob ni Dexter sa lalaki at naging magkarelasyon sila.

Pero pagkaraan ng ilang taon, bigla raw itong nakipagkalas sa kaniya.

Ayon sa aktres, pinapalabas pa ng kaniyang dating nobyo na siya ang may kasalanan kaya sila maghihiwalay.

"Insecure daw ako," sabi ni Dexter, na aminado naman siya dahil nga sa mas bata ang kaniyang nobyo.

Pero makaraan ang maraming taon matapos na magkahiwalay sila, nagulat umano si Dexter nang makatanggap siya ng friend request sa Facebook mula sa kaniyang ex-bf.

Nakikipagbalikan daw ito at kukunin siya para magkasama silang muli.

Gayunman, dinedma na lang daw ang alok ng dating nobyo. Bukod daw sa malayo ang bansa na kinaroroonan nito na Norway, hindi rin daw gusto ni Dexter ang malamig na klima.

"Saka sinaktan mo ang damdamin ko, 'wag na," natatawang sabi ni Dexter. "[Sa] akin ang huling halakhak."

--FRJ, GMA News