Game na ikinuwento ng veteran actress na si Tessie Tomas sa programang "Mars Pa More" ang "nakakatakot" niyang pakikipag-usap sa kaniyang driver na nauwi sa katatawanan.

Unang idinaan ng mga host ng programa sa "blind item" ang tungkol sa aktres na natakot nang makitang may "itak" sa likod ang kaniyang driver na kaniyang pinagalitan dahil nakainom.

Bukod kay Tessie, guest din sa naturang show si Dexter Doria.

Dito na inamin ni Tessie na sa kaniya nangyari ang naturang eksena.

Paliwanag niya, marami na umanong "atraso" ang kaniyang driver at lasing kapag day-off.

Wala naman daw problema kay Tessie ang pag-inom ng kaniyang driver pero nagkataon na duty na nito pero nakainom pa rin.

Nataon pa raw na mayroon siyang taping na kailangan niyang puntahan.

"Nung nagalit ako, 'marunong naman akong mag- drive, sige ako na magda-drive. Di naman kita kailangan," ayon kay Tessie.

Nang tumalikod daw ang driver, dito na natakot si Tessie dahil sa "itak" na dala nito sa likod.

Nandoon daw ang kaniyang anak na si Robin at sinabi nito na baka may masamang balak sa kaniya ang kanilang driver.

Pero nauwi sa tawanan ang kuwento ni Tessie nang sabihin ng aktres na hindi pala itak ang dala ng driver kung hindi "fishing rod."

Panoorin sa video ang nakatutuwang kuwentuhan sa "Mars Pa More."

--FRJ, GMA News